Home NATIONWIDE Pinoys sa Beirut, pinayuhang ikonsidera repatriation sa gitna ng Israel attacks

Pinoys sa Beirut, pinayuhang ikonsidera repatriation sa gitna ng Israel attacks

111
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine Embassy in Beirut ang mga Filipino sa Lebanon na isaalang-alang ang boluntaryong repatriation habang tumitindi ang pag-atake ng Israel at patuloy na lumalala ang sitwasyon sa seguridad sa ilang bahagi ng South Lebanon.

Sinabi ng embahada na mahigpit nitong minomonitor ang mga pangyayari matapos ang paglala ng opensiba noong Abril 8.

Batay sa Lebanese health authorities, umabot na sa hindi bababa sa 300 ang nasawi at 1,200 ang nasugatan sa pinakabagong mga pag-atake, habang iniulat na punuan na ang mga ospital.

Gayunman, sinabi ng embahada na wala pang napaulat na Filipino casualty o injury, at kinumpirma ng mga Filipino community leader at area coordinator na nananatiling ligtas sa ngayon ang kani-kanilang lugar.

Bilang tugon sa inanunsyong “Operation Eternal Darkness” ng Israel, nagpalabas ang embahada ng High Alert Security Advisory na humihimok sa mga Filipino na manatili sa kanilang kinaroroonan kasama ang kanilang employers, umiwas sa matataong lugar, tumutok sa mga lehitimong balita, panatilihing naka-charge ang communication devices, maghanda ng hindi bababa sa tatlong araw na suplay, at tiyaking madaling makuha ang kanilang passport at iba pang mahahalagang dokumento.

Mariin din nitong hinihikayat ang mga kababayan na samantalahin ang Voluntary Repatriation Program ng pamahalaan habang bukas pa ang commercial flights at airport operations.

Nagpulong na rin ang embahada kasama ang Migrant Workers Office at Overseas Workers Welfare Administration upang higit pang paigtingin ang mga hakbang sa proteksiyon at mahikayat ang mas maraming Filipino na sumali sa repatriation program.

Mula Pebrero 28, 2026, nakatulong na ang pamahalaan sa pagpapauwi ng 56 na Filipino mula Lebanon sa ilalim ng Crisis Alert Level 3, na nananatiling isa sa pinakamataas na alert level na umiiral sa Middle East.

Aminado rin ang mga opisyal na hamon pa rin ang limitadong flight availability at mataas na presyo ng ticket, ngunit nagpapatuloy ang repatriation efforts. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here