MANILA, Philippines – Ipinanawagan ng mga pamilya ng mga beterano ng World War II ang dagdag-pensiyon ng natitirang mga bayani ng digmaan at kanilang mga surviving spouse kasabay ng paggunita ng bansa sa ika-84 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.
Ayon kay Mike Villa-real, national executive president ng Veterans Federation of the Philippines Sons & Daughters Association, Inc., tumatanggap ang mga buhay na beterano ng P20,000 buwanang old-age pension at P1,700 na disability pension, habang P5,000 naman kada buwan ang natatanggap ng kanilang mga asawa.
“Legislation talaga ang kailangan. Sa pagkakaalam ko, tumaas lang yan ng five, six years ago,” pahayag ni Villa-real sa isang interbyu. “Ang hinihingi lang po namin is at least kahit surviving spouse at 400-plus veteran [may dagdag pension], total konti na lang sila. It would not take much of the budget ng ating national government.”
Ayon pa kay Villa-real, nasa 440 na lamang ang natitirang buhay na war veterans hanggang Marso 2026.
Kasabay nito, naghain si TUCP party-list Rep. Reymond Mendoza, na siya ring presidente ng asosasyon, ng House Bill 3503 na naglalayong ideklara ang buwan ng Abril bilang “Philippine Veterans’ Month” at gawing institusyonal ang pagkilala at mga programa para sa mga beterano.
Nauna nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kapakanan ng mga beterano sa paggunita sa Araw ng Kagitingan habang kinikilala ang kanilang sakripisyo.
“We gather here today to remember those who stood firm in the face of overwhelming adversity, as well as to reaffirm the values that they lived and that they died for—the values of courage, of dignity, and an unyielding love of country,” ani Marcos.
“The heroes of Bataan gave their all so that we, and the generations that follow, may inherit a nation that is free, sovereign, and worthy of their sacrifice. Their story reminds us that the fight for freedom knows no borders—and that solidarity, even in the darkest of times, is a force that binds humanity together.”
Binanggit din ni Villa-real ang pagpanaw ni Teofilo Gamutan Sr., kinikilalang pinakamatandang World War II veteran sa Davao City, noong Abril 3.
Inilarawan siya ng kanyang pamilya bilang isang taong namuhay nang may pananampalataya, dangal, lakas, kababaang-loob, at kabutihan, at bilang isang mapagmahal na ama at kapitbahay na nagbigay ng dignidad at ginhawa sa mga nasa paligid niya. Santi Celario