MANILA, Philippines – Umabot na sa P1 bilyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa Bataan oil spill sa probinsya ng Cavite.
Ayon sa ulat, kinailangang magsara ng mga tindahan ng mga isda sa Noveleta, Cavite, dahil sa epekto ng oil spill.
Bumaba rin ang benta ng mga isda at shellfish dahil dito.
Matatandaan na idineklara ang Cavite bilang no-catch zone para sa mga isda at shellfish.
Naghihintay pa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng resulta mula sa mga sample testing sa probinsya.
“There is something like a certain degree to which, if you ingest something, your body cannot take it. There is an issue of food safety; kapag may amoy, talagang may advisory tayo na wag muna siyang kainin,” ayon kay BFAR officer-in-charge Isidro Velayo Jr.
Nananawagan naman ng alternatibong hanapbuhay ng mga apektadong mangingisda.
Samantala, namamahagi ng relief goods ang BFAR sa mga apektadong mangingisda.
Iniulat ng Cavite provincial government na mayroong 25,000 mangingisda sa probinsya.
Matatandaan na lumubog ang MT Terranova noong Hulyo 25 sa dagat na sakop ng Limay, Bataan karga ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, ang oil slick mula sa lumubog na barko ay nakaabot na sa ilang coastal barangays ng kanilang probinsya. RNT/JGC