MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang pintor na sideline umano ang magtulak ng droga matapos bentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer sa buy bust operation sa Valenzuela City.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, at 11 under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Onin”, 37, ng Brgy. Veinte Reales.
Sa ulat ni P/Capt. Joan Dorado, OIC chief ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Gerson Bisayas, positibo aniya ang nakatanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Onin.
Nang magawang makipagttransaksyon sa suspek ng isa sa mga tauhan ni Capt. Dorado, agad ikinasa ng SDEU ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, sa koordiansyon sa PDEA.
Matapos umanong tanggapin ng suspek ang markadong pera mula sa pulis na nagpanggap na buyer, ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong ala-1 ng madaling araw sa harap ng Veruz Plastic Scrap Trading, sa T. Santiago St. Raminel Subd. Brgy. Veinte Reales.
Nakuha sa suspek ang nasa 30 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money at P200 recovered money. Merly Duero