Home METRO Pinuno ng Dawlah Islamiyah sa Maguindanao, utas sa operasyon ng militar

Pinuno ng Dawlah Islamiyah sa Maguindanao, utas sa operasyon ng militar

311
0

MAGUINDANAO, Philippines – Napatay ang pinuno at pangunahing bomb expert ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG) sa isang operasyon sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Linggo, Disyembre 7, ayon sa militar.

Si Ustads Mohammad Usman Solaiman, kilala bilang “amir” o lider ng DI-HG, ay napatay sa engkwentro ng 601st Infantry Brigade (601Bde) sa Barangay Satan, sabi ni Brig. Gen. Edgar Catu, commander ng 601Bde.

Si Solaiman ay isang batikang tagagawa ng bomba at pamangkin ng kilalang bomb expert na si Basit Usman ng BIFF. Matagal na siyang itinuturing na isa sa mga pinaka-delikadong operatibo sa Central Mindanao.

Ayon sa 6th Infantry Division (6ID), si Solaiman at si Norodin Hassan (alias Andot), na amir para sa military affairs ng grupo, ay kabilang sa huling senior lieutenants ng dating DI-HG leader na si Abu Azim, na napatay noong 2021.

Ang grupo ni Solaiman ay naiuugnay sa maraming malalaking atake sa Mindanao, kabilang ang pagbomba ng Rural Tours Bus sa Parang, Maguindanao noong Abril 2022, na nasaktan ang anim na pasahero, twin bus bombings sa Koronadal City, South Cotabato at Tacurong, Sultan Kudarat noong Mayo 2022, tacurong bus bombing noong Nobyembre 2022, husky Bus bombing sa Isulan Integrated Terminal noong Abril 2023, ambush ng mga sundalo sa Datu Hoffer Ampatuan, at pagpatay sa tatlong goat traders mula Batangas noong Mayo 2023

Ayon kay Catu, matagumpay ang operasyon dahil sa kooperasyon ng mga residente na nag-ulat sa presensya ng mga armadong lalaki sa kanilang komunidad.

Ani Major General Jose Vladimir R. Cagara, commander ng 6ID at Joint Task Force Central, pinuri niya ang pakikipagtulungan ng mga sundalo at lokal na residente. Sinabi niya na napahina ng operasyon ang network ng Dawlah Islamiyah sa rehiyon.

Hinimok ng militar ang natitirang miyembro ng DI-HG na sumuko at tumanggap ng tulong mula sa gobyerno para sa reintegration.
“Ang pinto ng kapayapaan ay laging bukas para sa mga pipiliing magbago,” dagdag ni Cagara. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here