Home NATIONWIDE PISA performance ng mga estudyanteng Pinoy inaasahang mapahuhusay ng ARAL Law

PISA performance ng mga estudyanteng Pinoy inaasahang mapahuhusay ng ARAL Law

MANILA, Philippines- Kumpiyansa si Education Secretary Sonny Angara na mapahuhusay ng Academic  Recovery and Accessible Learning (ARAL) Law ang performance ng mga estudyanteng Pinoy sa international assessments, gaya ng Program for International Student Assessment (PISA).

Gayunman, inamin ni Angara na ang agarang resulta ay hindi kaagad makikita sa panahon ng susunod na PISA, nakatakda sa Marso 2025.

“Pero  definitely, sa pangmatagalan makakatulong siya dahil gaganda ang  abilidad ng ating mga estudyante, especially ‘yung sinasabi na critical  thinking… malalim mag-isip at iniisip ang kabuuanan,” ang sinabi ng Kalihim.

Ang ARAL Law, tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 2024, ay idinisenyo para tugunan ang ‘pandemic-induced learning gaps.’

Ang batas, tinukoy bilang legislative priority ng Legislative-Executive  Development Advisory Council (LEDAC), nagtatag ng national learning intervention program para sa nahihirapang mag-aaral na ma-meet ang grade-level standards.

Base sa 2022 PISA results, ang Pilipinas ay nasa ika-anim na rank mula sa kulelat kabilang ang 81 nagpartisipang bansa at ekonomiya, sumasalamin sa “poor performance” sa matematika, agham at pagbasa.

Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Education (DepEd) na iprayoridad ang improvements sa PISA scores ng Pilipinas. Layon ng ARAL Law na maging pangunahing upang makamit ang nilalayon nito.

Ang implementing rules and regulations (IRR) ng ARAL Law ay nilagdaan, Lunes ng tanghali.

Samantala, binigyang-diin naman ni Angara ang pokus ng batas para gawing mahusay ang mahalagang ‘thinking at foundational skills’ na sa kalaunan ay magpapataas sa performance ng mga Pilipinong mag-aaral sa international assessments. Kris Jose