MANILA, Philippines – Humina ang halaga ng Philippine peso sa P59:$1 nitong Huwebes dahil sa pangamba na hindi maaabot ng bansa ang target na paglago ng ekonomiya sa 2025.
Bumaba ito ng 10.2 sentimo, mula P58.92:$1 noong Miyerkules, at nagtapos sa P59.022:$1.
Ayon kay Michael Ricafort, chief economist ng Rizal Commercial Banking Corp., “the target gross domestic product (GDP) growth for 2025 could be missed.”
Sinabi rin ni Secretary Arsenio Balisacan ng Department of Economy, Planning, and Development na “very unlikely” na maabot ang pinababang target na 5.5%–6.5%.
Umabot sa average na 5% ang paglago ng ekonomiya sa unang siyam na buwan ng 2025, habang bumagal sa 4.0% ang GDP sa third quarter, ang pinakamababa sa apat na taon.
Inaasahan ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na aabot lamang sa 4%–5% ang paglago ngayong taon, na may unti-unting paggaling pagsapit ng kalagitnaan ng 2026 dahil sa pagbaba ng tiwala ng mga mamumuhunan kaugnay ng flood control corruption scandal.
Binanggit ni Ricafort na positibong salik ang inaasahang pagtaas ng remittance mula sa mga OFW at ang kanilang conversion sa piso sa panahon ng Kapaskuhan, na maaaring suportahan ang halaga ng peso ngayong Disyembre. RNT