MANILA, Philippines — Muling lumakas ang piso sa antas na P59 kada dolyar nitong Martes matapos ang pagluwag ng tensyon sa Middle East na nagbigay ng positibong sentimyento sa merkado.
Umakyat ang piso ng 65 sentimo upang magsara sa P59.95:$1 mula sa record-low na P60.3:$1 noong Lunes.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort, ang pag-angat ng piso ay bunsod ng pag-iwas sa eskalasyon ng digmaan sa Iran, kasunod ng ulat na ipinagpaliban ni US President Donald Trump ang planong pag-atake sa energy infrastructure ng Iran upang bigyang-daan ang negosasyon.
Sa trading, pumalo ang piso sa pinakamababang P60.15:$1 at pinakamataas na P59.68:$1 matapos magbukas sa P59.9:$1. Itinanggi naman ng Iran na may nagaganap na direktang usapan sa Washington.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maiwasan ang paghina ng piso sa P60:$1 dahil sa epekto nito sa utang ng bansa.
Iginiit naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi ito nagtatakda ng partikular na exchange rate, bagkus ay kumikilos upang bawasan ang volatility at bantayan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa ekonomiya.
Samantala, nakarekober din ang lokal na stock market, kung saan umakyat ang benchmark PSEi ng 37.02 puntos o 0.63% sa 5,936.20, habang tumaas ang All Shares index ng 18.64 puntos o 0.57% sa 3,295.23.
Ayon kay Regina Capital Development Corp. head of sales Luis Limlingan, pinalakas ng pagluwag ng tensyon sa Middle East ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
“The Philippine market rebounded after the previous session’s sharp sell-off, supported by improved sentiment following Donald Trump’s remarks about delaying the potential attack on Iran’s power plants. This temporary easing of geopolitical tensions helped lift equities, mirroring gains seen in global markets after the announcement,” ani Limlingan.
“However, investors remain cautious as oil prices stay elevated amid ongoing supply risks and uncertainty in the Middle East,” dagdag niya. Dave Baluyot