Home NATIONWIDE Piso pinadapa ng dolyar: P59.385:$1

Piso pinadapa ng dolyar: P59.385:$1

148
0

MANILA, Philippines – Humina ang halaga ng piso laban sa dolyar sa ikalawang sunod na araw ng kalakalan nitong Huwebes matapos magsara sa P59.385:$1, kasabay ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dulot ng tensyon sa Middle East.

Batay sa datos, bumaba ng 21.5 sentimo ang piso mula sa pagsasara nitong Miyerkules na P59.17:$1. Mas maaga sa linggong ito ay naitala rin ng piso ang panibagong record low na P59.5:$1.

Ayon sa ulat, sumirit ang presyo ng krudo sa pinakamataas nitong antas sa mahigit dalawang taon o mula pa noong Oktubre 2023, kasunod ng banta sa global supply chains matapos isara ang Strait of Hormuz, isang mahalagang shipping corridor na dinaraanan ng halos ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa mundo.

Iniulat naman ng Reuters na umano’y inatake ng mga bangkang Iranian ang dalawang fuel tanker sa katubigan ng Iraq matapos tamaan ng tatlong projectile ang tatlong sasakyang-dagat sa Gulf waters.

Bilang tugon, inanunsyo ng International Energy Agency (IEA) na maglalabas ito ng 400 milyong bariles ng langis upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

“(H)igher global crude oil prices could lead to higher inflation and slower economic/GDP (gross domestic product) growth,” ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort sa isang mobile message.

Nauna nang nagbabala ang Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) na maaaring umabot sa higit 7% ang inflation kung lalala at tatagal pa ang tensyon sa Middle East.

Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang posibilidad na suspindihin ang excise tax sa fuel products, na ayon sa DepDev ay maaaring magpababa ng presyo ng gasolina ng P10 kada litro at P6 naman sa diesel.

Kinilala na rin ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng emergency powers upang suspendihin o bawasan ang naturang excise tax.

Ayon kay Ricafort, maaaring maglaro sa pagitan ng P59.25 hanggang P59.50 ang palitan ng piso at dolyar sa mga susunod na araw. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here