Home NATIONWIDE Piso posibleng bumagsak sa P63 kada dolyar sa katapusan ng 2026

Piso posibleng bumagsak sa P63 kada dolyar sa katapusan ng 2026

3
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines — Posibleng humina ang piso hanggang P63 kada US dollar bago matapos ang 2026 dahil sa humihinang suporta sa lokal na pera, ayon sa ANZ Research.

Sa inilabas nitong Asia Economic Outlook, sinabi ng ANZ na bagama’t nakatulong sa piso ang optimismo sa posibleng kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, inaasahan lamang itong panandalian dahil sa external deficit ng bansa, kawalang-katiyakan sa lokal na pulitika, at inaasahang mas mahigpit na polisiya ng US Federal Reserve.

“Markets are now pricing in possibility of a [Fed] rate hike this year. This will add another layer of uncertainty for the peso this year,” ayon sa ANZ.

“We expect the peso to continue to trade above the 60-per-dollar level before depreciating to 63 by the end of the year,” dagdag nito.

Ayon pa sa ANZ, nakatutulong ang mahinang piso sa pagpapataas ng halaga ng remittances ng overseas Filipino workers at nagpapalakas sa kakayahang makipagkumpitensya ng mga exporter. Gayunman, maaari rin itong magdulot ng mas mataas na imported inflation at dagdag na gastos sa pagbabayad ng utang na nakabase sa foreign currency.

Nauna nang sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. na maaaring makatulong ang paghina ng piso sa paglakas ng exports at pagbawas sa trade deficit, ngunit maaari rin nitong itulak pataas ang inflation. Iginiit din niyang hindi nagtatakda ang BSP ng partikular na target sa halaga ng piso at hinahayaan ang market forces na magtakda ng exchange rate.

Inaasahan din ng ANZ na magpapatupad pa ang BSP ng tig-25 basis points na pagtaas sa benchmark interest rate sa Agosto at Oktubre, na magtutulak sa policy rate sa 5.25 porsiyento pagsapit ng katapusan ng taon. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here