Home NATIONWIDE Piso posibleng sumadsad pa sa ₱64:$1

Piso posibleng sumadsad pa sa ₱64:$1

187
0

MANILA, Philippines — Posibleng lalo pang humina ang piso at umabot hanggang ₱62 hanggang ₱64 kada dolyar kung magtatagal ang giyera sa Middle East at magpapatuloy ang pagsirit ng presyo ng langis, ayon sa ulat ng MUFG Bank.

Sa kasalukuyan, bumagsak na ang piso sa record low na ₱60.748:$1 noong Marso 31.

Ayon sa forecast, maaaring lumagpas sa ₱61:$1 ang palitan ngayong ikalawang quarter kung hindi agad humupa ang tensyon, lalo na kung aabot sa $120 hanggang $140 kada bariles ang presyo ng langis.

Ipinaliwanag ng MUFG na ang mataas na oil prices ay nagpapalaki ng inflation at nagpapalawak ng trade deficit, na direktang nagpapahina sa piso.

Dagdag pa rito, tinatayang bawat $10 pagtaas sa langis ay maaaring magpababa ng GDP growth ng bansa ng 0.2 percentage point at magdagdag ng 0.6 percentage point sa inflation.

Nagbabala rin ang bangko na maaaring maapektuhan ang suplay ng enerhiya ng Pilipinas dahil sa krisis sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng global oil supply.

Bukod sa langis, maaari ring tamaan ang kuryente, pagkain, transportasyon, at remittances ng mga OFW, lalo na’t malaking bahagi ng padala ay mula sa Middle East.

Samantala, nahaharap sa hamon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil kailangang balansehin ang mataas na inflation at mahinang ekonomiya, na maaaring magresulta sa pananatili o pagtaas ng interest rates.

Sa kabila nito, inaasahan pa rin na maaaring bahagyang bumawi ang piso sa mga susunod na quarter kung bababa ang presyo ng langis at huhupa ang tensyon sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here