Home HOME BANNER STORY Pisong dagdag-pasahe inihirit ng Pasang Masda

Pisong dagdag-pasahe inihirit ng Pasang Masda

185
0

MANILA, Philippines – Humihiling ang transport group na Pasang Masda ng ₱1 provisional fare hike sa pasahe ng jeepney kasunod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, ayon sa kanilang pangulo na si Obet Martin nitong Martes.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Martin na matagal na nilang inilalapit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan, mula pa noong panahon ng dating chairperson na si Teofilo Guadiz III.

“Iisa ang damdamin ng ating mga nasa hanay ng jeepney, talagang nabibigatan na kami,” ani Martin.

Sinabi rin niya na nabawasan ng tinatayang 30% hanggang 40% ang kita ng mga drayber at operator dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng gas, kung saan anim na sunod na linggong tumaas ang presyo ng gasolina, habang walong linggo namang sunod-sunod na nagtaas ang presyo ng diesel at kerosene.

Noong Lunes, inanunsyo ng mga oil company ang panibagong pagtaas, kung saan nadagdagan ng ₱1.20 kada litro ang gasolina at ₱0.60 kada litro ang diesel at kerosene.

Nauna nang sinabi ng Department of Energy na posibleng magpatuloy ang pagtaas ng presyo dahil sa posibleng supply disruptions sa Strait of Hormuz at kawalan ng katiyakan sa nuclear negotiations na kinasasangkutan ng Iran. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here