Home NATIONWIDE Flexible work hours pwedeng ipatupad ng Muslim workers sa gobyerno sa Ramadan...

Flexible work hours pwedeng ipatupad ng Muslim workers sa gobyerno sa Ramadan – NCMF

202
0

MANILA, Philippines – Maaaring magpatupad ng flexible working hours ang mga Muslim na nagtatrabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa buong bansa sa panahon ng Ramadan, ayon sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) noong Martes.

Sa isang Facebook post, sinabi ng NCMF na maaaring sundin ng mga Muslim na opisyal at empleyado ang modified office hours sa buwan ng pag-aayuno at panalangin.

Binanggit nito ang isang Civil Service resolution noong 1981 na nagsasaad na ang oras ng trabaho ng mga Muslim sa panahon ng Ramadan ay mula 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m. nang walang noon break, at ang dalawang oras na pagkakaiba ay hindi ituturing na undertime.

Ayon sa NCMF, alinsunod din ito sa mga polisiya ng Civil Service Commission (CSC) hinggil sa flexible work arrangements.

“This initiative ensures that Muslim government employees are supported in observing their religious duties while maintaining efficient and continuous public service,” ayon sa NCMF.

Sa hiwalay na post, inanunsyo ng NCMF na hindi namataan ang crescent moon noong Martes at idineklarang magsisimula ang Ramadan sa Huwebes, Pebrero 19.

Sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), inihayag ng Office of the Chief Minister ang pagsasaayos ng iskedyul ng trabaho ng mga Muslim na opisyal at empleyado para sa isang buwang pagdiriwang ng Ramadan. Batay sa memorandum circular na inilabas noong Pebrero 16, ang oras ng trabaho ay mula 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m. nang walang noon break.

“There shall be no diminution on the 40-hour workweek required under the Civil Service rules under these modified working hours,” ayon sa direktiba.

Magsisimula ang flag-raising ceremony tuwing Lunes ng 7:15 a.m., habang gaganapin ang flag-lowering rites tuwing Biyernes ng 3:15 p.m. Pagkatapos ng Eid’l Fitr, awtomatikong babalik sa regular na oras ng trabaho ang mga opisyal at empleyado.

Ang Ramadan, ang ikasiyam na buwan ng Islamic lunar calendar at ang pinakabanal na buwan sa Islam, ay ginugunita sa buong mundo bilang panahon ng pag-aayuno mula madaling araw hanggang paglubog ng araw, panalangin, at espiritwal na pagninilay. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here