MANILA, Philippines – Handa na ang Commission on Elections (Comelec) na isagawa ang special polls sa Ikalawang Distrito ng Antipolo City sa Marso 14, at inaasahang matatapos ngayong linggo ang pag-iimprenta ng mga manual ballot na gagamitin.
“More or less, we are prepared (to hold the special polls). The printing is ongoing and set to be completed this week,” sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia sa isang panayam noong Martes.
Ayon kay Garcia, nakatanggap ng suporta ang Comelec mula sa lokal na pamahalaan ng Antipolo at iba pang ahensya ng gobyerno sa paghahanda para sa halalan.
Gayunman, sinabi niya na hindi makapagbibigay ng karagdagang allowance ang Comelec sa mga gurong magsisilbi sa special polls dahil sa kakulangan sa pondo.
Humiling ang Comelec ng PHP98 milyon mula sa Department of Budget and Management ngunit nakatanggap lamang ng working budget na PHP70 milyon hanggang PHP75 milyon.
“We will not be able to give them an across-the-board increase. We will use our savings for their pay,” ani Garcia.
Sa nakaraang halalan, tumanggap ang mga guro ng bayad na mula PHP9,000 hanggang PHP12,000.
Sinabi rin ni Garcia na gaganapin ang training ng mga guro sa mga paaralan sa halip na sa mga hotel, at mas mababa ang meal allowance. Binigyang-diin niya na mahalaga ang training dahil hindi lahat ng guro ay pamilyar sa manual voting procedures. RNT