Home METRO 7 Chinese illegal workers sa Batangas quarry arestado

7 Chinese illegal workers sa Batangas quarry arestado

MANILA, Philippines – NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong lalaking Chinese na natagpuang nagtatrabaho sa isang quarry sa Batangas.

Ibinahagi ni BI intelligence division Fortunato Manahan, Jr. na ang pitong lalaki ay naaresto sa isinagawang operasyon ng regional intelligence operations unit (RIOU) IV-a, kasama ang government intelligence forces at nakipag-ugnayan sa Taysan Municipal Police Station nitong Miyerkules.

Ibinunyag ni Manahan na ang kanilang unang target ay ang isang Wang Zhenglai, 34, na may working visa ngunit napag-alamang na-petisyon ng isang pekeng kumpanya. Gayunpaman, sa kanilang operasyon, nahuli nila ang anim na iba pa na napag-alamang ilegal na nagtatrabaho sa parehong lugar.

Bukod kay Wang, lima pang manggagawa ang napag-alamang nagtataglay ng 9(g) working visa, ngunit napetisyon ng mga kumpanyang matatagpuan sa Quezon City. Ang isa ay natagpuang nagtatrabaho gamit lamang ang isang tourist visa.

Isa sa mga manggagawa, na kinilalang si Wang Shou Min, 67, ang sinasabing ‘big boss’ ng mining company, at ama ni Wang Zhenglai.

Muling iginiit ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang working visa ay parehong company-specific at station-specific.

“Foreign nationals who possess a working visa but found to be petitioned by fake companies or caught to be working in other locations may face deportation cases,” ani Tansingco.

Ayon kay Tansingco, ang paggamit ng mga pekeng kumpanya bilang petitioner ay nagiging uso kasunod ng pagkakatuklas kamakailan ng mga dayuhang mamamayan na nagpapakita ng mapanlinlang na mga dokumento upang manatili sa bansa.

Sinabi ni Tansingco na ang pag-aresto ay nag-ugat sa intelligence information na may ilang Chinese national na napatunayang ilegal na nagtatrabaho sa mining operations. JAY Reyes