MANILA, Philippines – Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon ng plagiarism sa kanyang librong “Isang Kaibigan.”
“Napakadaling sumulat ng maikling kwento batay sa sariling karanasan, hindi na kailangang mangopya pa,” ani Duterte.
Layon umano ng kanyang book project na tulungan ang mga mag-aaral na paghusayin pa ang kanilang pagbabasa.
“Ang proyekto ay para mahikayat ang mga bata na mahalin ang pagbabasa at sumulat ng sarili nilang kwento. Hindi ang libro ang problema ng bayan kundi ang kahinaan sa pagbabasa ng ating Kabataan,” dagdag ni Duterte.
“Abangan ninyo ang susunod kong isusulat na libro tungkol sa pagtataksil ng isang kaibigan,” pagpapatuloy niya.
Nitong Miyerkules, Agosto 21 ay sinabi rin ni OVP spokesperson Michael Poa na ang libro ay ‘copyrighted’ at nakarehistro mula pa noong Disyembre 2023, sa kabila ng alegasyon online na ginaya ito sa isang graphic novel ng American author at artist na si Andy Runton na may pamagat na “Owly Just a Little Blue”
Inilathala ni Duterte ang “Isang Kaibigan” na patungkol sa “the value of true friendship and kindness” noong 2023.
Ang libro ay tungkol sa kwento ng isang kuwago na nawalan ng mga kaibigang ibon at tirahan sa panahon ng bagyo, at sa pamamagitan ng isang parrot ay tinulungan siyang muling buuin ang kanyang pugad.
Matatandaan na ang naturang aklat ang isa sa dahilan ng naging sagutan nina Duterte at Senador Risa Hontiveros sa budget hearing sa Senado nitong Martes. RNT/JGC