MANILA, Philippines – Nag-aalala ang ilang hog raisers sa paggalaw ng presyo ng mga karneng baboy dahil sa price per dose ng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF).
Ayon sa ulat, umaasa ang hog raisers ng abot-kayang presyo para sa mga bakuna lalo pa’t nagsimula ang planong controlled vaccination.
“Ang existing vaccine right now na ginagamit namin lahat ng vaccine nagre-range ng from P20 to as high as P100, so ‘yun ‘yung range na afford ng mga end-users,” sinabi ni National Federation of Hog Farmers (NatFed) president Chester Warren Tan.
“Kung meron man bakuna at effective yung bakuna, eh dapat ibigay sa backyard ‘yan ng libre,” dagdag naman ni NatFed vice president Alfred Ng.
Mamamahagi ang Department of Agriculture ng nasa 10,000 doses ng bakuna sa halagang P400 hanggang P500 kada dose. Sa kabila nito, sinabi ng DA na hindi ito makakaapekto sa presyo ng baboy sa pamilihan.
“Napakaliit naman ng portion nung P400 to P500,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Dante Palabrica.
“That’s only five percent more or less ng production.”
Samantala, nanindigan naman ang ilang hog raisers sa Batangas na hindi lahat ng baboy sa kanilang lugar ay infected ng ASF.
“Isolated cases po siya,” ani Rosario Batangas Hog Raisers Association president Patrick Ong.
“Most of the barangays, predominantly of the barangays clear po at malinis po ang baboy.”
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng border controls sa banta ng ASF. RNT/JGC