Home NATIONWIDE Planong pagpapalipat ni Trump sa Palestinian sa Gaza, mass deportation kinondena ng...

Planong pagpapalipat ni Trump sa Palestinian sa Gaza, mass deportation kinondena ng Vatican

VATICAN CITY – Tinanggihan ng isang mataas na opisyal ng Vatican noong Huwebes ang panukala ni US President Donald Trump na ilipat ang mga Palestinian mula Gaza, at iginiit na “dapat manatili ang populasyon ng Palestine sa kanilang lupain.”

Ayon kay Secretary of State Pietro Parolin, ang paglipat sa mga Palestinian ay magdudulot ng tensyon sa rehiyon, lalo’t tumututol dito ang mga karatig-bansa tulad ng Jordan.

Aniya, ang solusyon ay pagtatatag ng dalawang estado upang magbigay ng pag-asa sa mga tao.

Iminungkahi kasi ni Trump na kunin ang kontrol sa Gaza Strip at ilipat ang mahigit dalawang milyong residente nito sa Jordan o Egypt, isang ideyang sinasabing lumalabag sa international law ngunit tinawag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na “rebolusyonaryo.”

Samantala, pinuna ni Pope Francis ngayong linggo ang plano ni Trump na mass deportation ng undocumented migrants sa US, tinawag itong “malaking krisis” na sumisira sa dignidad ng mga migrante.

Tumugon si Trump border czar Tom Homan, sinabing dapat ay unahin ng Santo Papa ang mga suliranin ng Simbahang Katolika at iwan sa kanila ang pagpapatupad ng batas sa hangganan. RNT