
ISANG simpleng seremonya ng pagsasalin ng tungkulin ang ginanap sa Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) kung saan pormal na ipinasa ni dating President and Chief Executive Officer (PCEO) Emmanuel Ledesma Jr. ang pamumuno kay Dr. Edwin Mercado noong Pebrero 10, 2025 sa Lungsod ng Pasig. Ang naturang kaganapan ay sumasalamin sa maayos na pagpapalit ng liderato sa ahensya ng pangkalusugang seguro ng estado.
Si Dr. Mercado, isang orthopedic surgeon na nagsanay sa Estados Unidos at mayroong 35 taong karanasan sa pamamahala ng ospital, ay nanumpa sa tungkulin kay President Ferdinand “BBM” Marcos Jr. sa Malacañang Palace noong Pebrero 4, 2025. Ang kanyang malawak na karanasan sa estratehikong pagpaplano, pamamahala sa pananalapi, at mga pangunahing programang pangkalusugan ay nagbibigay sa kanya ng matibay na pundasyon upang pangunahan ang PhilHealth sa layunin nitong magbigay ng abot-kayang dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Filipino.
“Tayo po ay tumutugon sa direktiba ng ating mahal na Pangulong BBM at ito ay upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo at mas pinalawak na benepisyo,” ani Mercado sa kanyang unang talumpati sa harap ng mga kawani ng PHILHEALTH sa kanilang pangkalahatang seremonya ng pagtataas ng watawat.
Nagpasalamat si Dr. Mercado kay Ledesma sa kanyang mahusay na pamamahala at tiniyak ang kanyang dedikasyon na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng programa para sa kapakanan ng bawat Filipino. Sa loob ng dalawang taong pamumuno ni Ledesma, malaki ang naging pag-unlad ng PHILHEALTH, partikular na sa pagpapalawig ng mga benepisyo nito.
Samantala, muling ipinahayag ni Ledesma ang kanyang suporta sa pagpapatupad ng Universal Health Care. “Nagpalit man ng pinuno, nananatili pa rin ang ating layunin na tiyakin ang sapat na saklaw ng seguro sa kalusugan at matiyak na bawat Pilipino ay may access sa abot-kayang at dekalidad na pangangalagang medikal,” ani ng dating PCEO ng PHILHEALTH.
Ipinangako naman ni Dr. Mercado na lalo pang babawasan ang gastusin ng mga pasyente mula sa kanilang sariling bulsa, mula sa kasalukuyang 45 porsyento hanggang 47 porsyento patungo sa 25 porsyento. “Itutuloy natin ang pagpapalawak at pagpapahusay ng ating mga benepisyo upang mas maramdaman ito ng bawat Filipino tuwing sila ay magpapagamot sa ospital,” aniya.
Bilang bahagi ng kanyang mga plano, binigyang-diin ni Dr. Mercado ang kahalagahan ng tamang datos bilang batayan sa pagpapabuti ng mga benepisyo sa hinaharap. “Ito ay upang makamit natin ang layuning mapagaan ang gastusin ng ating mga miyembro tuwing sila ay magkakasakit,” dagdag pa niya.
Tututukan din ng bagong pinuno ng PHILHEALTH ang modernisasyon sa pamamagitan ng computerization at digitalization upang mapahusay ang karanasan ng mga miyembro, palakasin ang ugnayan sa mga stakeholder, at pagbutihin ang operasyon ng ahensya. “Gagamitin ko ang aking kakayahan at malawak na karanasan sa larangan ng kalusugan upang tuparin ang mandato ng Korporasyon,” ani Dr. Mercado.
Sa suporta ng mahigit 9,000 kawani ng PHILHEALTH, nangako si Dr. Mercado na regular na magpapahayag ng positibong balita para sa publiko. “Sisikapin natin na bawat 30 araw ay may magandang balitang ibabahagi para sa ating mga miyembro,” pagtatapos niya.