Home HOME BANNER STORY Plebisito sa BARMM, matagumpay at mapayapa

Plebisito sa BARMM, matagumpay at mapayapa

MANILA, Philippines – Natapos nang matagumpay, payapa at maayos ang idinaos na plebisito para sa pagbuo ng walong munisipalidad mula sa 63 barangays sa North Cotabato sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Abril 13, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Nagsimula ang botohan alas-7 ng umaga at natapos alas-3 ng hapon na ang karamihan sa mga kwalipikadong botante ay bumoto sa mga itinalagang elementary schools na matatagpuan sa 63 barangay, habang ang walong canvassing center kung saan ang mga boto ay binilang ganap na ika-6 ng gabi ay matatagpuan sa mother municipalities kung saan bubuo ng mga bagong munisipalidad.

Sa 89,594 registered voters ng kalahok na mga barangay, kabuuang 58,970 voters ang bomoto, na may 38,047 botante ang bomoto ng ‘Yes’ upang pagtibayin ang pagbuo ng walong (8) bagong munisipalidad at 103 botante ang bomoto ng ‘No’ para sa overall voter turnout ng 53.27%.

Alinsunod sa Bangsamoro Autonomy Act Nos.41 at 48, at kasunod ng pagpapatibay, ang sumusunod na 8 munisipalidad sa BARMM ay nabuo:

1.Munisipalidad ng Pahamuddin na may 12 barangays

2.Munisipalidad ng Kadayangan na may 7 barangays

3.Munisipalidad ng Nabalawag na may 7 barangays

4.Munisipalidad ng Old Kaabakan na may 7 barangays

5.Munisipalidad ng Kapalawan na may 7 barangays

6.Munisipalidad ng Malidegao na may 7 barangays

7.Munisipalidad ng Tugunan na may 9 barangays ; at

8.Munisipalidad ng Ligawasan na may 7 barangays

Ayon sa Comelec, ang matagumpay, payapa at maayos na plebisito ay naisakatuparan sa tulong at kooperasyon ng katuwang na ahensya kasama ang Philippine National Police (PNP), at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa buong suporta ng local government units ng mga concerned municipalities.

Nagpasalamat naman ang mga miyembro ng Commission en banc, sa pumumuno ni Chairman George Erwin Garcia, kasama si Commissioner Aimee Ferolino (Commissioner in charge for Plebiscite), Senior Officials, at concerned Field Officials ng Comelec BARMM sa mga miyembro ng media, civil society organizations at iba pang election stakeholders.

Ayon pa sa Comelec, dapat ding purihin ang mga tao sa Bangsamoro lalo na ang mga residente sa walong (8) bagong tatag na munisipalidad para sa kanilang paninindigan sa matagal na nilang inaasam na magkaroon ng sariling local government at mas madaling pag-access sa mga mahahalagang serbisyo dahil bumoto sila na mapabilang sa BARMM sa 2019 Plebiscite. Jocelyn Tabangcura-Domenden