Home NATIONWIDE 5 patay sa Sydney shopping center attack

5 patay sa Sydney shopping center attack

AUSTRALIA – Lima ang patay at marami rin ang sugatan kabilang ang isang bata, matapos ang pag-atake gamit ang kutsilyo sa isang shopping center sa Sydney, Australia.

Ayon sa ulat, nasaksak ng hindi pa tukoy na suspek ang mga tao na nasa lugar ng pag-atake.

Nabaril at napatay naman ng pulisya ang suspek sa pag-atake.

Ang insidente ay nangyari sa Westfield Bondi Junction mall complex, kasabay ng dagsa ng mga tao Sabado ng hapon, Abril 13.

“I’m advised that there are five victims who are now deceased as a result of the actions of this offender,” pahayag ni New South Wales police assistant commissioner Anthony Cooke.

Hindi pa malinaw ang motibo ng pag-atake ngunit hindi inaalis ang posibilidad ng terorismo sa pagkakataong ito.

“I do not know at this stage who he is. You would understand this is quite raw. Inquiries are very new and we are continuing to make attempts to identify the offender in this matter,” ani Cooke.

Sinabi naman ng New South Wales Ambulance spokesperson na walong pasyente ang dinala nila sa iba’t ibang ospital sa Sydney kabilang ang isang bata na dinala sa Children’s Hospital.

“They all have traumatic injuries,” anang opisyal.

Sa security camera footage, makikita ang isang lalaki na may suot na Australian rugby league jersey na tumatakbo sa shopping center hawak ang isang malaking kutsilyo habang makikita ang mga wala nang buhay na mga biktima sa sahig.

Labis naman ang pagkataranta ng mga mamimili sa insidente.

Inilagay na sa lockdown ang mall at inabisuhan ng mga awtoridad ang mga tao na iwasan muna ang lugar.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Australian Prime Minister Anthony Albanese sa mga biktima ng pag-atake.

“Tragically, multiple casualties have been reported and the first thoughts of all Australians are with those affected and their loved ones,” anang Prime Minister. RNT/JGC