MANILA, Philippines – Nagbigay ng buong suporta ang Philippine National Police (PNP) sa road-clearing at post-disaster response operations sa Mindanao at iba pang lugar na sinalanta ng bagyong Basyang.
Inatasan ang mga Police Regional Office na mag-deploy ng mga tauhan para tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa paglilinis ng mga kalsada at tulay na hindi madaanan dahil sa mga debris.
Ayon kay PNP chief Gen. Melencio Nartatez Jr., “The first step is to clear the roads of debris and other obstacles for the fast and smooth flow of government assistance.”
Dagdag pa niya, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga LGU at iba pang ahensya para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong residente. Nananatiling naka-standby ang mga pulis upang tumulong sa mga komunidad, habang pinananatili ng mga commander ang mataas na presensya ng pulisya para sa kaayusan.
“The PNP remains alert and ready to extend assistance to our kababayans (fellowmen) who are in need following the onslaught of Basyang,” ani Nartatez.
Batay sa pinakahuling ulat, nananatiling sarado sa trapiko ang 37 kalsada at isang tulay sa Northern Mindanao, at tatlong kalsada at dalawang tulay sa Caraga region. Umabot na sa 12 ang nasawi at 36 ang nasugatan dahil sa bagyong Basyang, ayon sa Office of Civil Defense. RNT/MND