Home NATIONWIDE PNP chief: Affidavits of arrest gagawing rekisitos para sa police promotions

PNP chief: Affidavits of arrest gagawing rekisitos para sa police promotions

MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III nitong Lunes ang kanyang unang flag-raising ceremony bilang pinuno ng 230,000-strong police force.

Binigyang-diin ni Torre ang kanyang direktiba sa police officers na dagdagan ang mga pag-aresto na may kaugnayan sa droga at kriminalidad– na magsisilbing bagong performance metric para sa organisasyon.

“Alisin lang ang kriminal sa ating mga communities, alisin ang mga kriminal sa kalsada — ‘yon lang, wala nang iba. Kapag walang kriminal, walang krimen,” pahayag ni Torre.

Sinabi ni Torre na gagawing rekisitos ng PNP Directorate for Personnel and Records Management sa police commanders at sa mga nais ma-promote na magsumite ng affidavits of arrest bilang “resibo” o patunay ng accomplishments.

“Ano ang resibo na ikaw ay nakapanghuli ng kriminal? Ang pinag-uusapan natin ‘yong arrest without warrant ha. Warrantless arrest in accordance to Rule 113 of the Revised Rules of Court. Ano ang resibo? Ang resibo ay affidavit of arrest. ‘Yon lang, very simple,” anang opisyal.

“So, sa mga rank and file, sa mga patrolman natin, sa corporal and sergeants and sa mga lieutenants natin na nagpapa-promote, isang malaking metrics ang points ng affidavit of arrest. Kung gusto niya mapromote — affidavit of arrest, isa sa mga ipapakita natin, isa sa mga ire-require natin.”

Nakipagpulong din si Torre nitong Lunes sa Commission on Human Rights (CHR) upang ipaliwanag ang direktiba at tiyakin na pananatilihin ng kapulisan ang pinakamataas na paggalang sa human rights habang isinasagawa ang kanilang tungkulin. RNT/SA