MANILA, Philippines- Natagpuan ang bangkay ng hinihinalang biktima ng “salvage” o summary execution sa Malvar, Batangas noong June 3.
Sinabi ng mga pulis na ang biktima ay isang lalaking Caucasian, may taas na 5’9”, kalbo, na may bigote at malaki ang pangangatawan, at nakasuot ng dark blue Fred Perry polo shirt, cream linen pants, at dark blue Lacoste socks.
Batay sa backtracking noong June 3, natuklasang dakong alas-10:22 ng gabi noong June 2, nahagip ng closed circuit television camera ang isang puting SUV na may plakang NKE-9496 na tumigil sa lugar kung saan natagpuan ang katawan.
Kinumpirma naman ng saksi ang footage.
Aniya, dalawang kalalakihan at isang babaeng pasahero ang bumaba mula sa SUV at itinapon ang itim na garbage bag habang nanatili ang driver sa sasakyan.
Positibong kinilala ng saksi ang mukha ng babaeng suspek dahil sa ilaw ng sasakyan.
Naglunsad ang kapulisan sa pakikipagtulungan sa Land Transportation Office ng pursuit operation kung saan natukoy ang registered owner ng sasakyan, isang Alan ng Taguig City.
Ipinagbigay-alam ni Alan sa mga pulis na ang kanyang sasakyan ay nirentahan ni Kathleen, 41, isang contract lawyer mula sa Parañaque City.
Natunton ng mga pulis ang sasakyan sa pamamagitan ng global positioning system sa isang beach resort sa Lian, Batangas.
Positibong kinilala ng isang saksi noong June 4 si Kathleen bilang babaeng sangkot sa pagtatapon ng bangkay, nagresulta sa pag-aresto sa kanya at dinala ito sa Malvar Municipal Police Station para sa imbestigasyon.
Narekober ng mga pulis ang isang Glock .40 caliber pistol na may 15 bala mula sa bag ni Kathleen.
Hindi siya nakapagpresenta ng anumang dokumento para sa baril at nang beripikahin, natuklasang nakarehistro ito sa ibang indibidwal.
Kinabukasan, naghain ng kasong murder at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Batas Pambansa Bilang 881 (Omnibus Election Code) laban kay Kathleen at tatlong John Does sa prosecutor’s office.
Sa kasalukuyan ay hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.
Patuloy ang manhunt laban sa mga natitirang suspek. RNT/SA