Home METRO Wanted na American national nasakote sa NAIA

Wanted na American national nasakote sa NAIA

MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine National Police Aviation Security Group na isang Amerikanong wanted dahil sa kinakaharap na kasong attempted murder at assault with deadly weapon ang inaresto noong Sabado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Batay sa ulat ng PNP AVSEGROUP, ang 47-anyos na lalaking suspek ay nahuli sa kanyang pagdating sa NAIA Terminal 2 mula sa Caticlan.

Ang pag-aresto ay isinagawa sa pamamagitan ng joint operation ng Bureau of Immigration–Fugitive Search Unit (BI-FSU) at Aviation Security Unit-NCR, NAIA Police Station 2.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Mayo 14, 2025 kung saan may piyansang $1 milyon ang itinakda ng korte.

Ang suspek ay nasa kustodiya ng BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City para sa booking at dokumentasyon. JAY Reyes