Bocaue, Bulacan – Nagsama-sama ang mga awtoridad na nanawagan sa publiko na huwag tangkilikin ang mga ilegal na paputok lalo na ang ibinibenta online para sa ligtas na pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito ang naging sentro ng mensahe ni PNP Chief PGEN Rommel Francisco D. Marbil sa kanyang isinagawang pagbisita at inspeksyon katuwang sina Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro, PRO3 RD PBGEN Redrico Maranan, Bulacan Police director PCOL. Satur Ediong, Bocaue Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna at stakeholders sa mga tindahan ng paputok nitong umaga ng Miyerkules, Disyembre 18 sa Brgy. Turo.
Aniya, tinitiyak nilang lahat ng mga ibinibenta o ginagawang mga paputok o pyrotechnics ay sumusunod sa batas para sa kaligtasan ng publiko.
Nabatid din na napabalitang talamak ang online selling ng mga malalakakas at ilegal na paputok na lubhang napakadelikado at maaaring makamatay sa mabibiktima.
Dahil dito, sa atas ni Marbil ay patuloy na tinututukan ng mga awtoridad sa pangunguna ng PNP-Civil Security Group at Anti-Cybercrime Group ang online selling upang masawata ang mga ilegal na paputok.
Isinapubliko rin nila ang mga napakadelikadong paputok na posibleng naibebenta online sa pangunguna ng kabase, bin laden, kwiton bomb, coke in can, atomic, giant atomic, plapla, piccolo, tuna, kingkong, goodbye chismosa, goodbye philippines, christine, carina, ulysses, yolanda at pepito.
Kapwa nanawagan sina Fernando at Castro sa kanilang mga kababayan na tangkilikin lamang ang mga legal na paputok sa mga lehitimong tindahan para sa kanilang mapayapa, ligtas at makabulahang pagsalubong sa bagong taon. Dick Mirasol III