MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) ang 18.4% pagbaba ng crime rate sa buong bansa mula Enero 12 hanggang Marso 22, 2025.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, resulta ito ng mas pinaiting na crime prevention strategies, pakikipagtulungan sa komunidad, at pinalakas na operasyon, alinsunod sa vision ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas ligtas na Pilipinas.
Mula 8,950 na kaso noong Nobyembre 3, 2024 – Enero 11, 2025, bumaba ito sa 7,301 kaso sa pinakahuling 70-day period. Malaking pagbaba ang naitala sa murder (1,535 naging 1,243), homicide (1,341 naging 1,021), at physical injury (1,002 naging 663). Bumaba rin ang kaso ng rape at pagnanakaw, habang bahagyang bumaba ang carnapping.
Pinakamalaking pagbaba ng krimen ang naitala sa NCR, Calabarzon (PRO 4A), at Central Visayas (PRO 7). Hinimok ni Marbil ang mga pulis na panatilihin ang integridad at suportahan ang kanilang mga tauhan sa halip na bastusin sila sa publiko. Santi Celario