MANILA, Philippines – Dalawampu’t dalawang mag-aaral ng Bubog Elementary School sa Talisay City, Negros Occidental ang nagkasakit matapos kumain ng expired na tsokolate at chips noong Marso 26.
Labinlimang Grade 5 pupils ang unang nakaranas ng pananakit ng tiyan, sinundan ng pito pa mula sa Grades 3 at 4.
Dinala sila sa City Health Office at agad pinauwi matapos gamutin.
Lumabas sa imbestigasyon na may isang mag-aaral na nagbenta ng expired na pagkain, na naipamahagi sa isang komunidad bago ang insidente.
Ang mga produkto ay mula umano sa isang bodega sa Maynila, kung saan ito dapat ipapakain sa bulate.
Ilang mag-aaral na kumain nito ay hindi nagpakita ng sintomas, posibleng dahil hinaluan ito ng nakakain pang pagkain.
Nagpaalala ang DepEd-Negros Occidental sa mahigpit na pagpapatupad ng canteen-only food policy upang maiwasan ang ganitong pangyayari.
Gayunpaman, hindi matitiyak ng mga guro ang pagkaing dala ng mga bata mula sa bahay. Hinihikayat ang mga magulang na bantayan ang kinakain ng kanilang mga anak at agad kumonsulta sa doktor kung may sintomas. RNT