MANILA, Philippines – Handa ang Philippine National Police (PNP) na magpatupad ng mga kautusan na may kaugnayan sa kaso laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
“On the part of the PNP, just like we normally and usually do kapag kailangan po ng assistance ng PNP ay lagi naman po tayong naka-ready na magbigay ng assistance sa other concerned government agencies like DOJ at DFA po,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa press briefing.
Noong Marso 7, ipinag-utos ni Central District of California Judge Terry Hatter Jr. ang paglalabas ng arrest warrants laban kay Quiboloy at co-accused nito.
Ang unsealing ay hiling ng United States Attorney Criminal Division na may hawak sa kaso ni Quiboloy na sangkot ang mga reklamo sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking ng mga bata, conspiracy, at cash smuggling.
“Upon application of the government, and for good cause shown, the arrest warrants and returns in this case are unsealed,” ani Hatter sa kanyang kautusan na may petsang Marso 1, 2024.
Ayon sa New York lawyer na si Lara Gregory, ito ang unang hakbang para sa extradition process ng US Department of Justice para kay Quiboloy.
Ngayong ‘unsealed’ na ang arrest warrants para kay Quiboloy at mga co-accused nito, pwede nang maglabas ang INTERPOL ng Red Notices sa kanilang mga pangalan.
Sa ngayon ay wala pa umanong natatanggap ang PNP na balita mula sa US kaugnay ng kaso laban kay Quiboloy.
Idinagdag ni Fajardo na kokonsulta muna ang PNP sa mga nakatataas na awtoridad para sa posibleng implementasyon ng kautusan mula sa foreign jurisdiction.
“Kung saka-sakali pong itong unsealing po ng mga document… if there are court processes that need to be implemented in the Philippine jurisdiction ay kukuha po tayo ng utos po at basbas po ng mas mataas po sa atin with respect doon po sa possible implementation po ng foreign court jurisdiction,” aniya. RNT/JGC