MANILA, Philippines – Malaking epekto ang nakaamba sa turismo sa Boracay kapag hindi nalutas kaagad ang pagpaslang matapos gahasain sa isang Slovak national kamakailan habang ipinagdidiwang ng bansa ang International Women’s Month.
Sa pahayag, lantarang kinalampag ni Senador Lito Lapid, chairman ng Senate committee on tourism, na dapat kaagad na mabilis na malutas ang insidente ng pagpaslang at panggagahasa sa dayuhan upang mapawi ang takot at pangamba ng turista sa isla ng Boracay.
“Dapat mabigyan ng hustisya ang Slovak national para mawala ang takot at pangamba ng mga dayuhan at lokal na turista na magtungo sa Boracay,” ayon kay Lapid.
Inihayag ito ni Lapid kasunod ng apela ng Federation of Women Associations in Boracay and Malay (FEWABOMA) na agad malutas ang kaso ng pagpatay at pang-abusong sekswal sa isang foreign tourist na si Michaela Mickova sa world’s famous island kamakailan.
“Hangad po natin na mabilis ang aksyon ng kapulisan sa pagbibigay ng hustisya sa nasabing dayuhang turista na nagbabakasyon sa Boracay at walang awang pinatay ng ilang suspek,” ayon kay Lapid.
Sinabi ni Lapid na mayroon ang person of interest pero kailangan pang magkaroon ng masusing imbestigasyon malaman ang katotohanan sa karumal-dumal na krimen.
Sa naturang diyalogo, hinikayat din ni Lapid ang mga kalalakihan na igalang at proteksyunan ang mga kababaihan mula sa pangaabuso at maltrato.
Isa sa awtor si Lapid ng Magna Carta of Women o Republic Act no. 9710 na nagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad, ligtas na espasyo, proteksyon at kagalingan ng mga Pinay.
Nakipag-dayalogo kay Lapid ang ilang opisyal at kasapi ng FEWABOMA sa pamumuno ni Desiree Segovia sa Caticlan airport, Malay, Aklan nitong Huwebes.
Humingi rin ng tulong kay Lapid ang grupo para ipaabot kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na dagdagan ng seguridad sa pamosong isla upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, lalo na ang mga dayuhan ngayon panahon ng summer.
SA pagpapatuloy ng kampanya, naglibot si Lapid sa pamamagitan ng motorcades mula sa Antique, Iloilo hanggang Aklan nitong nakalipas na linggo. Ernie Reyes