MANILA, Philippines – May lead na ang Philippine National Police (PNP) sa pananambang sa election officer ng Commission on Elections (Comelec) sa Datu Odin Sinsuat, ayon sa komisyon.
Sa kumpirmasyon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, may apat na persons of interest na ang PNP sa pananambang at pagpatay kay Bai Maceda Abo at sa kanyang mister.
Ayon kay Garcia, binabantayan na ang kilos ng mga itinuturing na responsable sa ambush sa nasabing lalawigan.
Pinag-aaralan na rin ng komisyon ang pagbabago ng mga miyembro ng electoral board at ang paglilipat ng ilang presinto dahil ang tinitignan ng Comelec na motibo sa pananambang ay politika.
Sinabi rin ni Garcia na binigyan na nila ng tig-dadalawang security personnel ang lahat ng election officers sa lalawigan ng Maguindanao upang matiyak ang kanilang seguridad.
Nagdagdag na rin ang Comelec ng mga tauhan mula sa PNP at mga sunadlo, pati na rin ng mga checkpoint sa mga kritikal na lugar upang matiyak ang mapayapang halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden