Home NATIONWIDE PNP nagbabala vs ‘warrant of arrest’ scams

PNP nagbabala vs ‘warrant of arrest’ scams

MANILA, Philippines- Nagbabala ang Philippine National Police laban sa pagkalat kamakailan ng text scams na nagbabanta sa recipients ng kaso at pag-aresto.

Batay sa ulat nitong Biyernes, tinawag ito ng PNP Anti-Cybercrime Group na “warrant of arrest” scam.

Sa nasabing text messages, nakasaad umano na mayroong kaso ang recipients kaya aarestuhin ang mga ito.

Kalakip sa texts ang pangalan ng mga opisyal, PNP offices, at mga salitang “warrant” at “subpoena.”

Sa iba pang mensahe, sinasabing bibisitahin ng awtoridad ang property ng recipient.

“Yung mga nakaka-receive nito, natatakot sila, tapos nagbibigay ng contact  number… Pag nakausap mo na, hihingan ka na nila ng pera para hindi ka na i-ano ng warrant of arrest, or sisingilin ka na nila ng bail para di ka hulihin. Yun ang modus nila,” ani Police Captain Michelle Sabino ng Eastern District Police Anti-Cybercrime Team.

“Pati paggamit ng pangalan… rank ng officer, PS/SUPT [or] Police Senior Superintendent… Hindi na natin ginagamit ito, matagal na. The way they  construct the message, hindi na siya kapani-paniwala.”

“Usually, yung nga text messages na ito nanggagaling sa mga social messaging  apps… Yung mga encrypted… With the use of the internet, maiha-hide mo  yung identity mo roon,” dagdag ni Sabino.

Hinala ng PNP, mayroong “insider” ang scam syndicates sa korte dahil karamihan sa recipients ay may kinahaharap na court cases.

Samantala, pinaaalalaanan ang publiko na manatiling alerto laban sa iba pang katulad na scam.

“Ignore niyo… or pinaka unang gawin kung talagang may fear kayo, puntahan niyo ang court,” giit ng opisyal.

“Walang court orders, warrant of arrest or any other court orders, na  manggagaling sa text. Ipinapadala yan ng korte at meron silang mga  liaison officers who will do that,” aniya pa. RNT/SA