MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sulu na tiyakin na makapagdaraos ng mapayapang eleksyon para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament sa susunod na taon.
Kailangan na ang BARMM parliamentary elections ay mapayapa at ligtas, ang sinabi ng Pangulong Marcos sa 11th Infantry Division ng Philippine Army (PA) sa lalawigan.
“Kailangan natin magkaroon ng peaceful na election sa darating na halalan,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“Napakahalaga dahil kailangan nating masabi na nahalal itong mga members of the parliament, na nahala ito nang tama,” dagdag niya.
Nanawagan din ang Pangulo sa AFP na siguraduhin na ang political exercise ay hindi magagambala ng terorismo at political violence.
“Walang terrorism, walang political violence. Basta’t minimized natin lahat ‘yan,” giit ng Chief Executive.
Ito ang unang pagkakataon na magdaraos ang bansa ng parliamentary elections para sa BARMM. Ang halalan ay makakasabay ng midterm legislative elections sa Mayo 12, 2025.
Sa kabilang dako, pinaalalahanan naman ni Pangulong Marcos ang mga uniformed personnel na ang eleksyon ay dapat na mapagtagumpayan sa kapayapaan.
“Let us not sit on our laurels kung baga. Let us not become complacent because these are challenges that we will have to manage,” ayon sa Pangulo sabay sabing, “At alam naman natin na napakalahaga na maganda ang takbo ng halalan, maganda ang pagpatakbo ng BARMM pagakatapos ng halalan.”
Ang kapayapaan sa Mindanao ay prayoridad ng gobyerno, diing pahayag ng Pangulo.
“That is all in the interest of peace. We do this because we want peace to continue in this area, in the Southern Philippines. We do not want to see the kind of fighting that we saw many decades ago. Sulu is one of the provinces under BARMM, along with Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, and Tawi Tawi,” ang winika ni Pangulong Marcos. Kris Jose