MANILA, Philippines – Nakipagpulong na ang Philippine National Police (PNP) sa Iglesia ni Cristo (INC) nitong hapon ng Lunes, Enero 6 bilang paghahanda sa nationwide “peace rally” sa Enero 13.
“Dito po sa [National Capital Region], Region 3, at Region 4-A, so yung mga members po ng INC will converge po sa Liwasang Bonifacio po sa January 13,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing.
“Doon naman po sa ibang mga regions, may mga na-identify po na mga areas like yung mga freedom parks po nila at sports complex po. Yung final location and oras po, this will be a simultaneous nationwide peace rally ng INC,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakikipag-ugnayan ito sa ibang ahensya ng pamahalaan para paghandaan ang INC rally.
Ani MMDA chairperson Romando Artes, makikipagtulungan ang ahensya sa organizers ng rally para masiguro na hindi makakaantala sa daloy ng trapiko ang naturang rally at mga programa nito.
“Well, may coordination naman tayo sa pulis, sa LGU. Ang ano po natin dyan, ima-manage po natin yung traffic, we will make sure na passable ang mga kalsada,” sinabi ni Artes.
Ang INC rally ay inanunsyo noong Disyembre 4.
“Ang mga kapatid sa INC ay naghahanda na magsagawa ng rally upang ipahayag sa lahat ng kinauukulan na ang INC ay pabor sa opinyon ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi sumang-ayon sa isinusulong ng ilang sektor na impeachment dahil maraming problema ang ating bansa na dapat unahin ng pamahalaan,” saad sa pahayag ng INC.
“Ang INC ay para sa kapayapaan. Ayaw natin sa anumang uri ng kaguluhan na manggagaling sa anumang panig,” dagdag pa. RNT/JGC