Home NATIONWIDE PNP nakatatanggap ng mga tawag na nagbibigay ng impormasyon sa lokasyon ni...

PNP nakatatanggap ng mga tawag na nagbibigay ng impormasyon sa lokasyon ni Quiboloy

MANILA, Philippines- Nagsimula nang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa posibleng kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy kasunod ng anunsyo na P10 milyong pabuya, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.

Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na binigyan siya ni Police Regional Office (PRO) 11 director Police Brigadier General Nicolas Torre III gng update.

“According to him, may mga tumawag po doon sa hotlines. At after po nating i-announce ‘yung reward at marami pong nagbigay ng information,” anang opisyal.

“But hindi naman natin tatanggapin kaagad-agad po ito baka meron po doon ay nililigaw ‘yung ating focus kung saan po ‘yung sa tingin natin ay maaaring matagpuan itong mga wanted persons po na ating hinahanap,” dagdag niya.

Bukod dito, sinabi ni Fajardo na alerto ang kapulisan sa prank calls kaya binubusisi nilang mabuti ang impormasyong ibinibigay sa kanila.

Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos noong Lunes na inaalok ang pabuyang P10 miyon sa sinumang mayroong impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto kay Quiboloy, habang tig-P1 milyon naman ang alok na pabuya sa makapagtuturo sa limang co-accused.

Nanggaling ang pabuya sa mga pribadong indibidwal, base kay Abalos, kung saan kinuwestiyon ng kampo ni Quiboloy ang motibo ng mga ito sa pag-aalok ng pabuya.

“May mga kwestyon lang po kami… kung [bakit] ayaw sabihin ni Secretary Abalos kung sino itong mga pribadong taong ito para malaman natin at makilatis natin ang kanilang motibo kung bakit itong si Pastor Quiboloy ay binibigyan nila ng napakalaking pabuya,” pahayag ng legal counsel ng pastor na si Atty. Ferdinand Topacio.

Nag-isyu ng arrest warrants laban kay Quiboloy at iba pa sa umano’y paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at Republic Act No. 9208 o Qualified Human Trafficking.

Nagtago si Quiboloy matapos ipalabas ng Senado ang arrest order laban sa kanya sa pagtangging dumalo sa pagdinig ng kapulungan.

Matatandaang sinalakay ng mga pulis ang ilang properties na pagmamay-ari ng KOJC sa Davao City, Samal Island, at Sarangani upang magslbi ng arrest warrants sa kontrobersyal na televangelist subalit walang nadatnan ang mga awtoridad. RNT/SA