Home NATIONWIDE PNP: Pagmamay-ari ng mga sibilyan ng semi-automatic rifle ‘di maaabuso

PNP: Pagmamay-ari ng mga sibilyan ng semi-automatic rifle ‘di maaabuso

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes sa publiko na mayroong safeguards sa gitna ng pagkabahala ng ilang grupo sa pagpayag na magmay-ari ang mga sibilyan ng semi-automatic firearms.

“Kung inaalala po natin ay maaaring maging subject for abuse po, hindi po,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang panayam.

“May enough safeguards na iniligay po doon para hindi po basta-basta kung sinuman po ang makapag-avail po nitong privilege to possess and own small arms po,” dagdag niya.

Kabilang sa nasabing safeguards ang mga kwalipikasyon upang magmay-ari ng mga baril na ito tulad ng Filipino citizenship, nasa hustong gulang, employment, at iba pang rekisitos tulad ng income tax returns, police clearance, psychiatric at drug tests, maging training.

Ayon pa kay Fajardo, isusulong ng inamyendahang polisiya ang responsableng pagmamay-ari ng baril na hihikayat sa firearms holder na iparehistro ang kanilang high powered guns.

Nitong Lunes, sinabi ni Fajardo na nagpatupad ng ilang pagbabago ang PNP sa implementing rules and regulations (IRR) ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

“Puwede na pong magmay-ari ang isang private citizen ng small arms na 7.62 mm pababa po provided na hindi po ito capable ng fully automatic burst of fire,” wika ng opisyal.

Matatandaang inihayag ni Gunless Society of the Philippines president Norman Cabrera ang reserbasyon ukol dito.

“Nakikita natin ang result ng ganung policy sa Amerika, doon sa mga shooting na nangyayari sa kanila. Kung yung ganung culture ay dadalhin natin dito sa Pilipinas, ganung problema rin ang haharapin natin,” wika niya.

Iminungkahi ng grupo na hindi lamang amyendahan ang IRR kundi maging ang mismong batas. Nais nitong ipagbawal ang pagdadala ng mga sibilyan ng kanilang baril sa labas ng kanolang tahanan at limitahan lamang sa dalawa ang mga ito. RNT/SA

Previous articleKoleksyon ng BOC noong Pebrero lampas sa target
Next article4 patay, 1 sugatan sa sunog sa Kabite