Home HOME BANNER STORY PNP sa pagkakadawit sa EJKs: Wala pong ga’nun

PNP sa pagkakadawit sa EJKs: Wala pong ga’nun

MANILA, Philippines- Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes ang ulat na talamak pa rin sa bansa ang extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Sa isang press conference, pinabulaanan din ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ang mga alegasyon na sangkot ang PNP sa EJKs.

“The PNP and other law enforcement agencies for that matter does not engage in EJKs,” giit ni Fajardo.

“Kung titignan po natin yung legal meaning po ng EJK, ang ibig sabihin po nito ay deliberate intent na pagpatay sa isang tao without lawful authority coming from any judicial proceeding na talagang state-sponsored po ito. Wala pong ganun,” dagdag niya.

Nauna nang inilahad sa United States government report na nananatiling seryosong problema ang extrajudicial killings (EJKs) sa Pilipinas noong 2023 at walang malaking pagbabago sa human rights situation sa bansa.

“EJKs, largely by police but also by other security forces, remained a serious problem,” anang US Department of State sa 58-page Country Reports on Human Rights Practices.

“In addition, politically motivated killings, including of journalists, were reported during the year,” dagdag nito.

Gayundin, nanawagan ang Amnesty International nitong Miyerkules kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gumawa ng “policy pronouncement” laban sa war on drugs.

Iginiit ni Amnesty International Philippines director Butch Olano na dapat gumawa si Marcos ng “explicit and categorical policy pronouncement to end the so-called war on drugs and EJKs.”

Batay sa datos mula sa Dahas Project, ng UP na nagdodokumento sa drug-related killings, inihayag ni Olano na mayroong 329 indibidwal na napatay noong 2023. Inihayag din niya na napag-alaman sa Third World Studies Center ng UP na 342 indibidwal ang napaslang mula June 2022 hanggang June 2023.

Dahil dito, sinabi niya na mayroong hindi bababa sa 600 indibidwal na napaslang sa unang 19 buwan ng administrasyong Marcos.

Inihayag ni Fajardo na malayo ang bilang na inihayag ng Amnesty International sa tala ng PNP. Aniya, ilalabas ng police organization ang datos kapag tapos na ang konsolidasyon.

Base kay Fajardo, kahit na sa nakaraang liderato ng PNP, walang utos na pumatay ng subject ng isang police operation.

“Ang sinasabi po nila ay nagtutuloy-tuloy. Pero malinaw po ang sabi ng ating Presidente na lahat po ng kampanya natin against criminality lalong-lalo na po sa illegal drugs ang gusto po niya ay holistic approach po ang gawin natin,” patuloy ng opisyal. RNT/SA