Home NATIONWIDE Payao ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal nawawala

Payao ng mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal nawawala

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Huwebes na maraming rason kung bakit nawala ang mga “payao” o fish-aggregating devicesng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal.

Sinabi ito ng BFAR matapos ilahad ng isang fisherfolk group leader sa Zambales na tinanggal umano ng Chinese vessels ang nasabing devices habang ninakaw naman umano ng mga Vietnamese ang kanilang huli.

“Ayon nga sa ulat, we have found out iyong mga ibang payao, pagdating doon ay wala na. I think 10 ang nailagay if I am not mistaken pero dalawa na lang ang nakita doon,” pahayag ni BFAR spokesperson Nazario Briguera sa isang televised briefing.

“So maraming dahilan din naman  kung bakit hindi na ma-locate ang payao doon. Maaaring naiagos ito ng current  or puwede ring deliberately may tumanggal, may nagtanggal sa payao natin,” dagdag niya.

Iniulat din ng BFAR ang pagdami ng presensya ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar.

“Kasi kung matatandaan natin naging sunod-sunod ang operations ng BFAR at nakita natin na kapag may presensya ang pamahalaan  doon sa area, ay mas nagiging confident ang ating mga mangingisda na mangisda doon sa lugar dahil nakikita nila ang presensya ng pamahalaan,” patuloy niya.

Inilunsad ng BFAR kamakailan ang LAYAG-WPS o Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yields and Economic Gains from the West Philippine Sea sa Subic, Zambales upang asistihan ang mga mangingisda at kanilang mga pamilya.

Namahagi ang ahensya ng mga bagong bangka, floating aggregating devices, fishing gears at post harvest starter kit sa komunidad na nagkakahalaga ng halos P60 miyon. RNT/SA