Home NATIONWIDE PNP spox: Mga indibidwal na nasa kustodiya ng pulis, ligtas sa pag-aabuso

PNP spox: Mga indibidwal na nasa kustodiya ng pulis, ligtas sa pag-aabuso

MANILA, Philippines- Hindi pinahihintulutan ng Philippine National Police (PNP) ang pang-aabuso o pagmaltrato sa mga indibidwal na nasa kustodiya nito.

Binigyang-diin ito ni PNP public information office chief Brig. Gen. Redrico Maranan nang kunan ng komento hinggil sa mga alegasyon na nagtamo ng sugat ang 13 dayuhan nang tangkain ng mga itong tumakas matapos ang pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) establishments sa loob ng compund sa Las Piñas City nitong nakaraang linggo.

“The PNP does not tolerate such abuse. All possible efforts are done to ensure that persons under police custody are safe from harm or abuse,” pahayag niya nitong weekend.

Inihayag pa ni Maranan na lahat ng kailangan ng mga indibidwal na nasa pangangalaga nito ay ibinibigay nila, maging access sa kani-kaniyang embahada.

Nitong Hunyo 27, sinalakay ng mga pulis ang isang compound ng Xinchuang Network Technologies, isang POGO techno-hub sa Barangay Almanza Uno, kung saan mahigit 2,700 na hinihinalang trafficking victims ang nasagip.

Makalipas ang dalawang araw, inulat nito na nasaktan ang 13 dayuhan matapos umanong tangkaing tumakas mula sa police custody.

Walo ang naiulat na nangailangan ng agarang lunas.

Iginiit ni Maranan na pinoprotektahan ng PNP ang human rights.

“Rest assured that the PNP’s aggressive and honest law enforcement operations are at all times conforming with the rule of law,” dagdag niya.

Ang pahayag ni Maranan ay tugon sa hirit ng legal representatives ng Xinchuang sa PNP na payagang magamot ang mga sugatang dayuhan.

Sa liham nitong Hulyo 1, sinabi ng Vargas Law office, kinatawan ng techno-hub, na nakatanggap ito ng ulat na ilang dayuhan ang nagtamo ng sugat sa isang kaguluhan habang nasa pangangalaga ng mga pulis.

Ang demand letter ay nakalaan para kina National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Edgar Okubo, PNP-Anti-Cybercrime Group director Brig. Gen. Sidney Herrera, at PNP Directorate for Intelligence Maj. Gen. Jon Arnaldo, habang pinadalhan din ng koya si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr.

“This refers to the incident that occurred during the wee hours in the morning of 29 June 2023 wherein 13 or so foreign nationals, under your custody and detention, were injured during a commotion that ended in serious physical injuries to at least three of them as a result of the severe mauling by your police officers on the ground,” anang abogadong si Ananias Christian Vargas.

Nauna nang inihayag ni Maranan na mahigit 1,500 sa 2,700 nasagip na workers sa June 27 raid ang pinalaya na, habang ang iba na ansa kustodiya pa nito ay pinoproseso pa, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Immigration.

Naghain ang PNP ng mga kaso ng human trafficking at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Department of Justice laban sa Chinese nationals na sina Li Jiacheng, Xiao Liu, Yan Jiayong, Duan Haozhuan, at LP Hongkun. RNT/SA