Home METRO 3 pulis, 2 sibilyan sugatan sa pista

3 pulis, 2 sibilyan sugatan sa pista

NEGROS OCCIDENTAL- Nilapatan ng lunas sa ospital ang dalawang pulis at dalawang sibilyan sa magkahiwalay na insidente sa naganap na pista, kung saan ang isa sa mga suspek ay kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga sugatan na sina Police Master Sgt. Teofesto Aburido, nakatalaga sa Escalante City Police Station, Jeban Sayon, 18, ng Barangay Alimango, at Jay-r Garganera, 34, ng Toboso, Negros Occidental.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Romualdo Abarido, 40-anyos, coy Commander ng Alpha Coy o CAA, at residente ng Barangay Washington, Escalante City.

Ayon kay Police Chief Master Sgt. Jojit Ruiz, imbestigador ng Escalante City-PNP, bandang alas-2:20  ng madaling araw noong Sabado naganap ang insidente sa Barangay Alimango, Escalante City, Negros Occidental.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nasa piyesta ang suspek at isang Michael Belita, sheriff, nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga ito hinggil sa isang babae na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Nagkataon na si Aburido ang naitalaga para magbantay sa ginanap na piyesta kaya nilapitan niya ang suspek para pakalmahin.

Agad bumunot ng baril si Abarido at pinaputukan ang pulis na tinamaan sa dibdib bago tumakas ay nagpaputok pa ito hanggang sa tinamaan ang dalawang sibilyan.

Mabilis namang isinugod sa ospital ang tatlo para lapatan ng lunas habang agad namang nadakip ang suspek sa isinagawang operasyon.

Nakuha sa suspek ang .45 kalibre na baril at nahaharap sa tatlong kaso ng Frustrated homicide.

Samantala, sugatan rin ang dalawang pulis na sina Police Corp. Jason Gelil Abas at Police Corp. Neil Gel Arpan, kapwa kasapi ng Cadiz City Police Station.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Ceasmar Chua, 40-anyos, ng Barangay Lo-ok, Calatrava.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap sila ng report hinggil sa pagwawala ng suspek sa gitna ng selebrasyon ng kapiyestahan sa nasabing bayan.

Sa pagresponde nina Abas at Galarpan sa nasabing lugar, nanlaban ang suspek at sinabihan pa ang mga ito na “walang silbing mga pulis” saka mabilis na tumakbo.

Hinabol naman ng mga pulis ang suspek hanggang sa naabutan nila si Chua subalit nakipagkalmutan pa ito at suntukan bago tuluyang naposasan.

Nagtamo ng mga galos at sugat sa kamay at siko ang dalawang pulis na nilapatan ng lunas sa ospital.

Nakatakda naman ngayong sampahan ng kasong direct assault ang suspek sa tanggapan ng Negros Occidental Provincial Prosecutors Office. Mary Anne Sapico