Home NATIONWIDE PNP: USD1.36M ng Anson Que ransom winithdraw ng foreign account

PNP: USD1.36M ng Anson Que ransom winithdraw ng foreign account

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police na natunton nito at na-freeze ang bahagi ng ransom money na ibinayad ng pamilya ng Chinese businessman na si Anson Que.

Inihayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na natuklasan ang USD$205,942 o halos P11.40 milyon sa cryptocurrency sa labas ng Philippine jurisdiction.

Na-freeze na ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang ransom.

“Nakapag-communicate po sila doon sa mga cryptocurrency outside of our jurisdiction, so naka-connect po ang ACG at they were able to request for the reservation at na ipa-freeze na po ito,” pahayag ni Fajardo.

Sa kabila nito, binanggit ng opisyal na na-withdraw na ang bulto ng pera, aabot sa USD$1,365,113 o halos P75.58 milyon, gamit ang isang USDT account based sa Cambodia.

Ayon pa sa opisyal, ang account na ginamit sa pag-withdraw ay nauna nang inimbestigahan ng mga awtoridad sa United States of America dahil sa hinihinalang money laundering.

Samantala, sinabi ni Fajardo na inaalam na ng PNP ang kabuuang halaga ng ransom kahit idineklara ng pamilyang nagbayad sila ng P200 milyon.

“May mga iba-iba po nga reports po, at ongoing pa rin po sir yung ating investigation to determine talaga ilang amount po talaga… Kasi ang nangyayari po is mayroon pong pumasok na peso, and then may-convert po ng US dollars at na-convert ulit yan sa USDT. So, nagkakaroon po ng difference pagdating po sa peso, sa US dollar at saka sa USDT,” pahayag ni Fajardo.

“Lahat po yan kailangan po nating ibangga lahat po ng mga statements po ng family doon naman sa mga pumasok na pera doon sa mga e-wallets po. Kaya ngayon po, ang Pilipinas po ay nakikipag-ugnayan po sa ating mga foreign counterparts because it would indicate, based po dito sa ating financial investigation na ginagawa, na may mga konektado po na mga USDT issuer na outside of the authority or jurisdiction po ng Philippine government… Hindi lamang po dito sa mga kaso ni Anson Tan and we will backtrack po itong mga previous kidnapping case kung saan USDT din po ang naging conversion po ng mga ransom money na ibinigay,” dagdag niya.

Nadiskubre ang mga labi ng Chinese businessman na si Anson Que at kanyang driver na nakasilid sa loob ng mga bag sa tabi ng kalsada sa Rodriguez, Rizal noong April 10.

Huli silang nakitang buhay noong March 29 habang patungong Valenzuela para sa isang meeting, at iniulat na nawawala sa PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) noong April 30. RNT/SA