MANILA, Philippines- Sasanayin ng mga eksperto ng Japan ang mga empleyado ng Philippine National Railways (PNR) upang palakasin ang relasyon ng dalawang bansa sa railways industry.
Ito ay makaraang opisyal na lagdaan nina PNR Officer-in-Charge General Manager Atty. Celeste D. Lauta, at Kenichi Okada, ang General Manager ng International Department of East Japan Culture Foundation (EJRCF), ang kasunduan ng paglulunsad sa “Japan Railway East Fellowship 2024” program sa Naga City noong Hulyo 9.
Nakasaad sa kasunduan na ipadadala ang mga empleyado ng PNR sa Japan bilang delegado upang tumanggap ng serye ng training sessions, na nagbibigay sa kanila ng mga teknikal na kasanayan para sa isang mas komportable, accessible, ligtas, maasahan at abot-kayang serbisyo.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang relasyon sa pagitan ng mga tauhan at korporasyon ng dalawang bansa sa pamamagitan ng training programs na nakatuon sa expertise at iba pang aspeto ng Japanese railway business.
Sa kanyang talumpati, nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa Japanese railways leader si GM Lauta para sa kanilang suporta sa railway industry sa bansa partikular para sa PNR.
Target ng nilagdaang programa ang pagpapahusay ng serbisyo ng PNR bilang isa sa mga pangunahing sistema ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden