Home HOME BANNER STORY PNR ops, ihihinto sa Disyembre

PNR ops, ihihinto sa Disyembre

MANILA, Philippines- Titigil ang buong operasyon ng Philippine National Railways (PNR) sa Disyembre 2023.

Ipinaliwanag ni PNR Chairman Michael Macapagal na ang desisyon na itigil ang operasyon ng buong istasyon ng PNR ay upang bigyang-daan ang North-South Railway Projects (NSRP) ng PNR at Department of Transportation (DOTr).

Ipatutupad ang unang wave ng proyekto sa kahabaan ng Alabang, Muntinlupa hanggang Calamba, Laguna na ruta ng PNR.

Noong Linggo, Hulyo 2, ang mga pasahero mula Alabang patungong Calamba ay hindi na tinanggap dahil ang mga available na biyahe ng tren ay mula Alabang hanggang Biñan, Laguna lamang, habang ang Biñan papuntang Calamba train trip ay tumigil na ang operasyon.

Simula Hulyo 15, lahat ng biyahe mula sa nasabing mga ruta ay titigil, sabi ni Macapagal.

Ayon sa pamunuan ng PNR, nasa 500 daily commuters ng tren ang maaapektuhan.

“Inumpisahan po namin ang maliit na stretch kasi po tinututukan namin ang magiging response ng riding public natin. Nakatutok po kami diyan, we’re not deploying any buses yet pero pag nakita po namin na marami pong apektado magde-deploy po kami ng emergency buses sa mga routes na yan,” pahayag ni Macapagal.

Titigil ang buong operasyon ng PNR sa Disyembre matapos ang holiday rush, dagdag pa niya.

Upang matulungan ang mga apektadong mananakay, maglalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng karagdagang franchises sa mga apektadong routes, ayon kay Macapagal.

Sabi pa ng opisyal, ang NSRP ay tatagal ng lima hanggang anim na taon.

Aniya, kasalukuyang ginagawang moderno ang sistema ng tren ng Pilipinas, kung saan magkaroon ng electric train na magmumula sa Clark hanggang Pampanga, Pampanga hanggang Bulacan, Bulacan hanggang Metro Manila, at Metro Manila hanggang Calamba, Laguna.

Layon ng proyekto na gawing moderno ang sistema ng PNR sa bansa na sa kalaunan ay magpapalakas ng pag-unlad ng ekonomiya.

Kabilang sa proyekto ang 35 stations, 51 bagong electric trains, commuter trains at nasa 7 o 8 express trains.

“These are all electric and these are at far with world standards, and these are all elevated system kaya makikita niyo bagong system natin mga 35 stations,” paglalahad ni Macapagal.

Samantala, malapit na ring ipatupad ang South Long Haul Projects ayon sa PNR.

Magsisimula ang mga proyekto sa Calamba, Laguna kung saan kasalukuyang humihinto ang PNR, hanggang sa huling bayan ng Surigao Province.

Sinabi ni Macapagal na kasalukuyang nakikipag-usap ang gobyerno ng Pilipinas sa iba pang bansa para sa South Long Haul Project.

“This will take our train system all the way to the last town of Surigao kaya Bicol, the entire Bicol region po ‘yan,” sabi niya.

Sa ngayon dalawang bansa aniya ang nag-alok ng interes na itayo ang sistema.

“Once the agreement is signed between the two countries on a public-private partnership or maybe government to government or build operated transfer scheme, the Department of Transportation will issue a bulletin to inform our riding public, pero ‘yan po ay tina-trabaho namin ngayon in fact were hoping na by this July matapos na yang negotiations,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, ang south operations ng PNR ay nagtatapos sa Calamba, Laguna. Jocelyn Tabangcura-Domenden