Home NATIONWIDE Poe naniguro, walang mawawalan ng trabaho sa Motorcycle Taxi Law

Poe naniguro, walang mawawalan ng trabaho sa Motorcycle Taxi Law

MANILA, Philippines – Siniguro ni Senador Grace Poe nitong Sabado, Enero 18 na walang mawawalan ng trabaho sa mga motorcycle rider dahil lang sa hindi pa naipapasa ang batas na Motorcycle Taxi Law.

“Sa mga kababayan, huwag po kayong mag-alala sapagkat napaka-importante nitong serbisyo na ito ng mga motorcycles for hire, at hindi ito dapat itigil ng LTFRB dahil lang hindi pa naipapasa ang batas,” saad sa pahayag ni Poe.

Ani Poe, ang kawalan ng batas ay hindi magdudulot ng pagkawala ng mga trabaho sa mahigit 60,000 Filipino na nagtatrabaho bilang motorcycle riders.

Sinabi rin niya na ang Senado ay maaaring mag-isyu ng resolusyon para suportahan ang extension ng legal coverage nito.

“Nasa LTFRB naman talaga ang deadline kung itutuloy nila ito o hindi. Pwede naman silang magkaroon ng extension pending the passage of the bill. Sila naman yung pumapayag dyan,” anang senador

“Kung kailangan nila ng Senate Resolution mula sa amin para meron silang legal cover, pwede naman naming gawin yan. Iyong Resolution ay pinipirmahan ng mga senador para sabihin na suportado namin ang extension habang ang panukalang batas ay aming sinusuri,” dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ng LTFRB na maaaring maituring nang illegal ang mga motorcycle taxi kung bigong maipasa ng 19th Congress ang naturang batas.

Kasalukuyang nag-ooperate ang mga motorcycle taxi sa ilalim ng pilot program na inilunsad noong 2019.

Layon ng programa na suriin ang viability at kaligtasan ng motorcycles-for-hire bilang pampublikong transportasyon.

Smantala, sinabi ni Poe na binubusisi pa ng mga senador ang batas at nais nila itong maging “very specific and comprehensive with this law.”

“Huwag matatakot ang ating mga kababayan, ang ating mga pasahero o kaya yung mga providers nito dahil habang itong batas na ito ay ating binabalangkas, tuloy-tuloy pa rin po ang kanilang pamamasada,” giit ni Poe. RNT/JGC