MANILA, Philippines – Bukod sa kahilingan na paiimbestigahan kung sino ang nasa likod ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) hub sa Pampanga, muling iginiit ng dalawang mambabatas sa pamahalaan ang tuluyang pagbabawal sa operasyon nito sa Pilipinas.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi nina Senador Lito Lapid at Grace Poe na mas makabubuti nang ipagbawal ang POGO sa bansa saka talupan kung sino ang nasa likod ng magarbo at malawak na hub sa Pampanga.
Ayon kay Lapid, kailangan maisama sa imbestigasyon ng Senado ang pagsalakay ng Presidential Anti-Crime Commission (PAOCC) sa POGO hub sa Pampanga.
Ayon kay Lapid, kailangan malaman ang katotohanan kung sino ang tunay na nasa likod ng operasyon ng nasabing POGO.
“Nararapat na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman kung sino ang mga taong tunay na nag mamay-ari ng mga lupa at mga building na ginagamit sa POGO at ang kompanyang nagpapatakbo dito nang sa ganun malaman ang buong katotohanan kung sino talaga ang nasa likod ng mga POGO,” ayon kay Lapid.
Umaapela rin si Lapid sa ating mga kapatid sa media na maging balanse at responsable sa kanilang ipinapahayag upang maiwasang madamay ang mga taong wala naman talagang kinalaman sa operasyon ng POGO sa Pampanga.
“Kami ay nananawagan sa ating mga kapatid sa media, at social media, na maging responsable at mapanuri, bago magpahayag ng mga walang basehang akusasyon, nang sa ganoon ay maiwasang mapagbintangan ang mga inosente at walang kasalanan,” pahayag pa ni Lapid.
Kaugnay nito, pinupuri at sinusuportahan ni Lapid ang pambihirang aksyon ng PAOCC at iba pang law enforcement at intelligence agencies ng pamahalaan.
“Ang kanilang ginawang pagsalakay sa mga POGO hub sa Tarlac at Pampanga ay hindi lang nagbunga ng sapat na mga ebidensya para sa paghahain ng kasong kriminal, kundi magiging daan din ito para sa pagtama ng mga kakulangan sa ilang batas para mapigilan ang anumang paglapastangan sa regulatory processes,” saad pa ni Lapid.
Nakikiisa si Lapid sa hangarin ng ating mga kababayan na dapat protektahan ang pambansang interes at papanagutin ang mga taong sangkot sa illegal na POGO operation.
“Ang mga karumal-dumal na krimen na nadiskubre sa POGO raid sa Bamban, Tarlac at Pampanga ay hindi lamang nararapat na kondenahin kundi kailangan din ng mabilis na aksyon mula sa pamahalaan upang mapanagot ang mga nasa likuran ng mga gawaing kriminal, kaakibat rin ang pagbalangkas ng mga bagong polisiya laban sa illegal na POGOs at iba pang kahalintulad na operasyon sa bansa,” diin pa ng Senador.
Kasabay nito, muling inihirit ni Poe sa pamahalaan na tuluyan ang ipagbawal ang operasyon ng POGO sa bansa dahil hindi matatawaran ang ginagastos ng pamahalaan sa pagsalakay kumpara sa kinikita ng bansa.
“The scale and breadth of illegal POGO operations in the country have become appalling and costly for Filipinos,” ayon kay Poe.
Iniulat na masyadong malawak ang nadiskubreng POGO hub sa Pampanga kaya tinaya ng awtoridad na kailangan ng mas higit sa isang linggo upang masuri ang buong pasilidad.
“For every operation against a POGO, the government spends millions for the personnel needed, food and shelter of the rescued, deportation of undesirables, filing of court cases, and other related expenses,” aniya.
Dahil dito, muling hiniling ni Poe na ipagbawal agad ang operasyon ng POGO.
“We reiterate our call for a resolute policy banning POGOs. This will not only bring a permanent halt to their illegal activities, but will also plug the utilization of government resources, which could have otherwise been spent on useful social services for our people,” ani Poe.
“We have seen enough: POGOs have done us more harm than good,” dagdag ng senador. Ernie Reyes