Home NATIONWIDE POGO Porac probe tututukan ng Senado – Gatchalian

POGO Porac probe tututukan ng Senado – Gatchalian

MANILA, Philippines- Nakatakdang talupan ng Senado ang ilang personalidad kabilang si dismissed Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping sa tunay na pangalang Chinese, at ilang opisyal ng Porac, Pampanga hinggil sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) sa lugar.

Inihayag ito ni Senador Win Gatchalian sa isang panayam matapos ipahayag ni Senador Risa Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na nag-iimbestiga sa POGO na tatapusin na ang imbestigasyon sa Bamban POGO.

“Nung nag-usapkami ni Senator Risa (Hontiveros), nasabi ko sa kanya na pwede na naming bigyan ng focus ang POGO hub sa Porac. Hindi pa namin ito nabibigyan ng pansin at wala pang mga kasong nai-file,” ayon kay Gatchalian.

“Nakikita ko kasi kung hindi nabibigyan ng spotlight, hindi rin nafa-file yung kaso at tumatagal,” diin ng senador.

Iniimbestigahan ni Hontiveros ang operasyon ng illegal POGO sa Bamban na kinasasangkutan ni Alice Guo hinggil sa ilang krimen tulad ng paglabag sa karapatang pantao.

Nitong Hunyo, natuklasan ng awtoridad ang ilang tortured victims, isang hinihinalang torture room at ebidensya sa “love scam” operations sa loob ng Porac POGO hub.

Sinabi ni Gatchalian na magkakasabwatan ang personalidad na sangkot sa Bamban POGO sa operasyon ng Porac POGO dahil magkakatulad ang kanilang modus operandi.

Bukod kay Guo, sangkot din sa operasyon ng POGO hubs sa Porac si Tony Yang, kapatid ni Michael Yang na dating economic advisor ni dating Pangulong Duterte.

Nakikipagtransaksyon si Yang kay Guo hinggil sa operasyon ng POGO sa Bamban.

Nadakip kamakailan si Yang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na balak pumuslit ng bansa. Ernie Reyes