NAKASIYAM na pala tayo ng bagyo ngayon at pinakahuli si Igme na nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility sa norte.
At nabilang na ba ninyo ang mga namatay sa siyam na bagyong ito?
Depende sa available na record, mga Bro, umabot na sa 100.
Hindi biro-biro ang bilang na ‘yan at lalong hindi biro-biro ang kamatayan.
Bawat buhay ay mahalaga, lalo na ang mga inaasahan o bumubuhay sa pamilya.
Ilan sa mga nasawi ang ganito na tiyak na may epekto sa pamumuhay ng mga pamilyang iniwan ng mga ito?
Lalo na kung ang naiwan nilang pamilya ay mga bata, may kapansanan at iba pa.
Paano rin ang mga missing sa bawat bagyo na hindi na natagpuan, lalo na ang mga naanod sa baha o natabunan ng landslide?
Marami-rami rin ang bilang nila.
Hindi rin biro-biro ang masiraan ng tahanan, pinagpawisan na puhunan, mawalan ng trabaho sa pagkasira ng negosyong pinapasukan at iba pa.
Isang halimbawa rito ang isang kaibigan na nagpundar ng computer shop mula sa pag-aabroad.
Nang bumaha, lumubog ang 10 unit ng kompyuter na ipinundar niya sa limang taong pag-aabroad.
Gudbay agad ang P500,000 naipon ng kanyang pamilya para ipangnegosyo sa computer shop sa dalawang gabing baha lamang.
Ganyan katindi ang bagyo at bahang nililikha nito.
Kinikitil na nila ang buhay natin, sinisira pa nila ang ating ikinabubuhay, tahanan at iba pang ari-arian, kasama ang ating kinabukasan.
MAS MASAHOL SA IBA
Noong unang linggo ng buwang ito, makaraang manalasa si Enteng sa mahal kong Pinas, mabilis na sumakabila ito sa isla ng Hainan, China at pumatay ng apat katao sa lakas ng hangin nitong 250 kilometro kada oras at ng sobrang ulan nito.
Makaraan nito, nagtuloy ang super bagyong si Enteng sa Vietnam at doon pumatay ng halos 300 katao.
Kasabay nitong sinalakay ang Myanmar at kamakalawa lamang, habang ginugunita ang araw ng noo’y martial la sa Pinas, iniulat ng pamahalaang Myanmar na may 384 patay at 89 missing.
May mga namatay rin sa Laos at Thailand bagama’t mangilan-ngilan lamang.
Sa Vietnam, pinalubog din ni Enteng sa baha ang libo-libong bahay, kasama ang malalaking pabrika, gaya ng Vinfast na pabrika ng sasakyang at Samsung na pagawaan ng mga cellphone, laptop at iba pang gadgets.
Sa Myanmar, kasama sa mga sinalakay ng bagyo at baha ang mga refugee sa matagal nang civil war o rebelyon sa lugar.
NATUTUTONG MAGDASAL
Dahil sa mga pangyayaring ito, ang iba na hindi naniniwala sa Diyos, natututo nang magdasal.
At ang mga naniniwala naman sa Diyos, lalong natututong magdasal, kahit na laging nakalilimot kung may ginhawa.
Ang pagdarasal, ginagawa para sa kaligtasan mula sa kamatayan at kasiraan sa ari-arian at kapaligiran dulot ng mga bagyo, baha, landslide at iba pa.
O magdasal na kapag may iniaanunsyo ng Pagasa na darating na bagyo o kahit low pressure area lamang.