MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na binigyan ng 60 araw ang lahat ng mga dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at ng Internet Gaming Licensees (IGLs) na makaalis ng bansa.
Inilabas ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pahayag na ito matapos gumawa ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal ang lahat ng POGOs sa bansa sa kanyang ikatlong State of the Nation Address.
Sinabi ni Tansingco na ang mga dayuhang POGOs, IGL, at mga kaugnay na service provider ay may 59 na araw upang ihinto ang kanilang mga gawain o sila ay ipapatapon simula sa ika-60 araw.
Inaasahan ng BI ang humigit-kumulang 20,000 dayuhang manggagawa na aalis ng bansa sa susunod na dalawang buwan.
Sinabi ni Tansingco na ang lahat ng nakabinbing aplikasyon ng visa para sa POGOs at IGLs ay tatanggihan.
Nagbabala din si Tansingco na ang BI ay may listahan ng mga manggagawa ng POGO at IGL kung saan inatasan ang kanilang intelligence division at fugitive search unit na paigtingin ang pag-aresto laban sa mga lumalabag at ilegal na online gaming hubs.
Sa ngayon, ipinatapon ng BI ang mahigit 2,300 manggagawa sa mga scam hub na nagpapatakbo sa mga iligal mga kumpanya ng pasugalan sa Pilipinas. Jay Reyes