MANILA, Philippines – Humingi ng tulong ang aktres at comedian na si Pokwang sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos na gamitin ng scammer ang address ng kanyang bahay sa Antipolo bilang isa umanong staycation resort.
Dahil dito ay patuloy ang pagdating ng mga tao sa kanyang bahay at malalaman na lamang na ang mga ito ay nabiktima ng scammer.
“Minsan sa isang araw ang kumakatok na tao dito tatlo hanggang limang biktima, sa isang araw lang ‘yon at karamihan doon mga nagda-down [payment] na,” ani Pokwang, sabay-sabing ang initial payments ay mula P5,000 hanggang P10,000.
“Siguro sa isang linggo kumikita siya mahigit kumulang 200,000,” dagdag pa niya.
Kabilang sa report ang screenshot ng post mula sa isang Facebook page na nagpapakalat ng impormasyon tungkol sa staycation resort. May mga larawan din ito na nakapang-aakit ng mga customer.
“Maiinganyo ka sa mga pinopost sa account […] Pero wala talaga ganong resort,” sinabi pa ni Pokwang.
Sinabi naman ng mga biktima na matapos silang makapagbayad ay iba-block na sila ng scammer.
Naghain na ng pormal na reklamo si Pokwang sa NBI, at determinado siyang panagutin ang scammer.
“Natatakot ako para sa family ko. Nilagay mo sa risk ‘yung buhay ng family ko. Kaya hindi kita titigilan. Kakasuhan ko siya,” aniya. RNT/JGC