Home METRO Police car, kotse nagsalpukan sa Maynila

Police car, kotse nagsalpukan sa Maynila

MANILA, Philippines – Tumaob ang isang kotse nang makabanggaan ang mobile patrol car ng Caloocan City Police sa unang araw ng Abril sa Laon Laan, Sta. Cruz, Maynila ngayong Lunes.

Wasak ang harapang bahagi ng mobile patrol car na umano’y may sakay na pasyenteng bata na dadalhin sana sa Ospital ng Maynila.

Napag-alaman na nagmamadali ang mobile car na dala ng dalawang Police Caloocan dahil umano ito ay emergency kaya dire-diretso ito sa kahabaan ng Alfonso Mendoza at Laon Laan hanggang sa mabangga ang isang kotseng asul na Ford Fiesta ABR 8096 na minamaneho naman ng isang doktor.

Ayon sa traffic investigator na si PSSG Ron Henry Gemzon, patungong norte ang sakay ng kotse nang makasalpukan ang police car.

Bagamat tumilapon ng ilang metro ang tumaob na kotse, wala namang iniulat na nasaktan sa pangyayari kundi bahagyang galos lang sa katawan.

Tiyempo namang may napadaan din na isa pang mobile car matapos ang insidente kaya maayos na nadala sa ospital ang pasyente mula sa Caloocan.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Traffic Bureau sa insidente upang malaman kung sino ang may kasalanan sa nangyaring banggaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleHeart, winelkam si Marian; Fans, natuwa!
Next articleHalos 13K PDLs napalaya sa Marcos administration